NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang 58-anyos na kasambahay habang sugatan ang anim na katao matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang sports utility vehicle, noong Sabado sa bayan ng Don Salvador Benedicto.
Kinilala ang nasawi na si Daisy Delos Santos, habang sugatan sina Police Corporal Patrick Panganiban, 32-anyos, residente ng Brgy. Alijis, Bacolod City, PCpl Jane Claire Batadhay, 29-anyos, residente ng Victorias City, Patrolman Calveen Corral, PCpl Hazel Motin, April Rose Megel, 24-anyos, at dalawang menor-de-edad.
Sa report ng Don Salvador Benedicto Municipal Police Station, bandang alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente sa pakurbadang bahagi ng Purok Tuburan, Barangay Pandanon, ng naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sanang Bacolod City ang mga biktima sakay ng Toyota Avanza at patungo sanang San Carlos City para sa overnight outing.
Subalit, pagsapit sa nasabing lugar ay bigla na lamang tumalon ang sasakyan sa bangin na may lalim na 50 talampakan.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at itinakbo sa Bacolod Adventist Medical Center ang mga biktima subalit idineklara na ring patay si delos Santos ng mga umatending doktor sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.
Ginagamot naman sa ospital ang anim na biktima at nasa ligtas na kalagayan ang apat na pulis habang patuloy na inoobserbahan ang dalawang bata. Mary Anne Sapico