TACLOBAN CITY, Leyte — Nagsampa na ng kasong kriminal ang mga awtoridad laban sa 15-anyos na child in conflict with the law (CICL) na sangkot sa madugong pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Analiza Armeza, hepe ng Public Information Office ng Police Regional Office 8 (PRO 8), inihain ang reklamo sa Prosecutor’s Office noong Martes ng gabi.
“We already have filed the criminal complaint against the CICL who is above 15 years old last night with the Prosecutor’s Office,” ani Armeza.
Ang 15-anyos na suspek ay isa sa dalawang estudyanteng nasa kustodiya ng mga awtoridad matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Barangay San Jose noong Hunyo 22. Ang isa pang sangkot ay 14-anyos.
Sinabi ni Armeza na kabilang sa mga anggulong sinusuri sa imbestigasyon ang umano’y bullying, ngunit nasa hurisdiksiyon na ng Prosecutor’s Office ang pagtukoy sa motibo ng krimen.
“‘Yan (bullying) ang isang tiningnan sa conduct ng investigation. Actually kahit naman na-file na siya with the Prosecutor’s office, for a comprehensive approach and formulation of intervention, kasi magiging part naman din ‘yung Philippine National Police dito, other motives are taken into consideration,” aniya.
Kinumpirma rin ng pulisya na nakausap na nila ang babaeng pulis na may-ari ng baril na umano’y ginamit sa insidente. Kasalukuyan itong nasa restrictive custody, tinanggal sa kanyang designation, at sumasailalim sa administrative investigation.
Na-turn over na rin sa City Social Welfare and Development Office ng Tacloban City ang dalawang menor de edad na sangkot sa insidente. Ayon sa pulisya, nasa stable condition na ang mga sugatang biktima.
Pinag-aaralan na rin ng mga awtoridad ang posibilidad na magsampa ng kaso laban sa mga magulang ng mga menor de edad. Kasabay nito, pinaigting ng PNP ang police presence, foot patrols, at koordinasyon sa mga paaralan, PTA, at mga lokal na opisyal upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. Santi Celario