MANILA, Philippines- Nangangailangan ng maraming tauhan ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kasunod ng pagsirit ng mga kaso ng leptospirosis, dalawang linggo matapos malubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa bagyong Carina at Habagat.
Ang hospital gymnasium ay binuhay at ginawang leptospirosis ward kung saan 90 porsyento ng pasyente ay sinasabing sumasailalim sa dialysis—ang indikasyon ng advanced stage ng sakit, ayon kay NKTI Deputy Executive Director Dr. Romina Danguilan.
Sa nagdaang dalawang linggo lamang, sinabi ni Danguilan na dalawang pasyente ang namatay mula sa komplikasyon.
Inaasahan na ng NKTI ang pagtaas ng bilang ng leptospirosis dahil ang tag-ulan ay nagdadala ng mas maraming potensyal na baha.
Mula Hulyo 14-17 ang panahon ng walang tigil na pag-ulan at pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lugar, nakapagtala ang Department of Health ng 67 kaso ng sakit. Ayon pa sa NKTI, ang kaso ay maari pang tumaas dahil sa naaantalang ulat.
Simula Enero, nakapagtala ang ahensya ng 1,444 kaso ng leptospirosis na 42 porsyentong mas mababa sa 2,505 kaso mula Enero hanggang Hulyo 2023.
Paulit-ulit namang nagpapaalala ang health experts sa publiko na kumonsulta kasunod ng pagkakalantad sa tubig-baha. Hinimok din ng DOH ang publiko na maging maingat sa mga sintomas ng leptospirosis lalo na ang mga tumawid sa baha o kontaminadong tubig kabilang ang putik. Jocelyn Tabangcura-Domenden