MANILA, Philippines- Tinatayang aabot sa P38.9 milyong halaga ng pekeng Oakley at Ray-Ban products ang nasamsam ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa ilang establisimyento sa Manila at Pampanga.
Sa inilabas na pahayag nitong Agosto 9, sinabi ng NBI na ang mga pekeng produkto ay nasamsam nang ipatupad ang 17 search warrants noong Agosto 2 at 4 para sa paglabag sa Republic Act (RA) No.8293, ang Intellectual Property Code.
Ayon sa NBI, ang implementasyon ng search warrant ay nag-ugat sa reklamo ng Quisumbing Torres Law Office sa ngalan ng kanilang mga kliyente hinggil sa talamak na pamamahagi ng mga pekeng produkto ng Oakley at Ray-Ban sa bansa.
Agad namang tumugon ang NBI-NCR sa reklamo at nagsagawa ng beripikasyon at surveillance kung saan nakumpirma ang impormasyon kaya ikinasa ang operasyon.
Kabilang sa sinalakay ang Fabiano MNL Trading, Two Six Eight Shoppers Mart, Happy Go Shopping Center at dalawang establisyimento sa San Feranndo,Pampanga – ang GT7 Go Shoppe Department Store at Save Star na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga pekeng eyewear at bags na may trademark na Oakley at Ray-Ban na aabot sa halagang P15,945,858.
Anim na search warrant ang ipinatupad noong Agosto 4 laban sa Tick Tock Watch Store at dalawang tindahan ng DMF Fashion and Accessories Shop na pawang matatagpuan sa 168 Shopping Mall sa Binondo,Maynila na nagresulta rin sa pagkakaumpiska ng pekeng mga Oakley at Ray-Ban products na nagkakahalaga ng P22,978,320. Jocelyn Tabangcura-Domenden