Home HOME BANNER STORY Kaso ng mpox sa bansa nadagdagan ng 6!

Kaso ng mpox sa bansa nadagdagan ng 6!

MANILA, Philippines – Anim pang karagdagang kaso ng mpox ang naitala sa bansa, na nagdala sa 14 ang aktibong caseload ngunit pawang mga nagpapagaling na sa kanilang bahay, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Setyembre 9.

Kinumpirma ang kabuuang kaso ng mpox ni Health Secretary Ted Herbosa sa press conference mula noong Hulyo 2022 ay umabot na sa 23. Sila ay mula sa Metro Manila, Calabarzon, at Cagayan Valley.

Sinabi ni Herbosa na irerekomenda lamang niya ang madalas na paghuhugas ng kamay sa publiko.

Para naman sa mga establisyimento tulad ng mga hotel at spa, sinabi niya na ang mga linen at tuwalya ay dapat palitan ng bawat kliyente.

Sinabi rin ng Health chief na naniniwala siya na ang Clade Ib strain ng monkeypox virus (MPXV) ay darating sa Pilipinas.

Gayunpaman, iginiit ni Herbosa na walang emergency dahil mananatiling pareho ang pamamahala para sa mpox.

Lahat ng 23 kumpirmadong kaso ng mpox sa bansa ay sinuri para sa Clade II, na isang mas banayad na anyo ng MPXV. Ang Clade Ib, sa kabilang banda, ay isang mas bagong strain ng MPXV na umiikot sa Democratic Republic of the Congo at sa mga kalapit na bansa nito.

Sa ngayon, ang mga pinaghihinalaang kaso ng mpox ay maaaring mag-avail ng libreng testing services sa mga ospital ng gobyerno para makumpirma kung mayroon silang monkeypox virus o wala. Jocelyn Tabangcura-Domenden