Sa pagdiriwang ng World Tuberculosis Day, nagpahayag ng pangamba ang Department of Health (DOH) sa patuloy na mataas na kaso ng TB sa bansa at binigyang-diin ang pangangailangan ng mas matibay na hakbang sa pag-iwas, maagang pagtuklas, at paggamot.
Sa paglulunsad ng The Medical City Integrated Delivery of TB Services (IDOTS) center, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na bagama’t maaaring iwasan at gamutin ang sakit, nananatili itong malaking hamon sa pampublikong kalusugan.
Batay sa World Health Organization Global Tuberculosis Report 2024, ang Pilipinas ay kabilang sa limang bansang may pinakamataas na kaso ng TB sa mundo, kasama ang India, Indonesia, China, at Pakistan.
Tinawag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na “lubhang nakakabahala” ang datos, kung saan tumaas ng 46% ang mga pagkamatay na may kaugnayan sa TB mula 2015 hanggang 2022. Apektado ang iba’t ibang pangkat ng edad: 7% ay mga batang 0-14 taong gulang, 61% ay kalalakihan mula 15 pataas, at 32% ay kababaihan sa parehong edad.
Binigyang-diin ni Herbosa na ang pagbaba ng TB mortality sa zero pagsapit ng 2028 ay isa sa pangunahing prayoridad ng DOH. Upang makamit ito, kinakailangan ang mas epektibong pagtuklas, mas mahusay na paggamot, pagsunod ng mga pasyente, at digital monitoring tools upang subaybayan ang sitwasyon ng TB sa bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)