Home NATIONWIDE Kaso ni Arnie Teves nais nang matapos ng mga opisyal sa Timor-Leste...

Kaso ni Arnie Teves nais nang matapos ng mga opisyal sa Timor-Leste – Remulla

MANILA, Philippines – Nais ng mga opisyal ng Timor-Leste na matapos na ang kaso ni dating
Negros Oriental congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr., sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Oktubre 3.

“Gusto nila talagang matapos na nang maayos [They really want it to be finished properly],” pahayag ni Remulla sa isang press briefing.

Ang pahayag na ito ni Remulla ay isang araw matapos ang courtesy visit nito kay Timor-Leste President José Ramos-Horta, na nagsabing matagal na siyang inimbitahan nito sa bansa.

Dumalo rin sa pagpupulong ang Timor-Leste Justice Secretary at Chief of Intelligence.

Pinag-usapan nila ang total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), kabilang ang mga isyu na may kinalaman sa krimen, regulatory evasion, at potential threats sa kaligtasan ng publiko, maging sa sitwasyon ni Teves.

Ani Remulla, pinag-usapan din nila ang mga agam-agam ng korapsyon sa Timor-Leste.

“So we were talking about it na kapag pinayagan nila mangyari ‘yan, baka mamaya ‘yung kanilang legacy—these guys are 75, 78 years old, ‘yung mga lumaban ng revolution ng Timor-Leste—baka naman mawala ‘yung legacy nila,” anang DOJ secretary.

Nang tanungin kung naniniwala siyang makababalik na sa bansa si Teves, sinabi ni Remulla na walang ibinigay na timeline ang Timor-Leste.

“Walang binigay na timeline sa amin [no timeline was given to us].”

Si Teves ay naaresto sa Timor-Leste noong Marso batay sa red notice ng International Criminal Police Organization (Interpol) na inisyu laban sa kanya noong Pebrero.

Noong Hunyo, pinayagan ng Timor-Leste Court of Appeals ang request for extradition ni Teves, na inakusahang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa.

“Teves is on the loose, under bail, naka piyansa. Although binabantayan siya, syempre we cannot discount that what happened in Negros will happen in Timor-Leste. Kaya umalis na kami doon,” ani Remulla.

Wala pang tugon ang kampo ni Teves kaugnay nito. RNT/JGC