MANILA, Philippines – Binatikos ni Senator Raffy Tulfo ang kasong unjust vexation laban sa vlogger na si Norman Mangusin, alyas Francis Leo Marcos, at tinawag itong “napakababaw” matapos siyang iharap ng PNP-CIDG sa isang press conference noong Pebrero 24 matapos maaresto.
Aniya, “uncalled for” ang pamamahiya sa vlogger at ang pagpayag ng CIDG na pagmurahin at insultuhin siya ng nagreklamo, na kapwa rin vlogger.
“Eh, samantalang ‘yung kanya pong kaso ay unjust vexation lamang na napakababaw,” dagdag ni Tulfo.
Inilipat si Mangusin sa Parañaque City Jail nitong Biyernes, Pebrero 27, matapos hindi makapagpiyansa ng P120,000.
Samantala, nagbanta si NAPOLCOM Commissioner Atty. Rafael Calinisan na kakasuhan si Mangusin sa illegal possession of firearms kaugnay ng isang Glock pistol na nakapangalan sa isang “Francis Leo Antonio Marcos,” na matagal nang expired ang lisensiya. RNT/MND