Home NATIONWIDE Katapangan ng mga Pinoy sa pagtatanggol ng kalayaan pinuri sa Senado

Katapangan ng mga Pinoy sa pagtatanggol ng kalayaan pinuri sa Senado

MANILA, Philippines- Magkakahiwalay na pinuri ng ilang senador ang katapangan ng maraming Pilipino na nagtatanggol sa kalayaan at soberanya sa ilang mensahe sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan ngayong Martes, Abril 9, 2024.

Nanguna sa pagpapahalaga sa katapangan ng mga Pilipino si Senate President Juan Miguel Zubiri, na miyembro ng Philippine Army Reserve Command.

“I want to pay tribute to the members of our Armed Forces, Coast Guard, and police, who are bravely fighting for our freedom and sovereignty from threats inside or outside the country,” ayon kay Zubiri.

“Let’s work together towards the peace and prosperity of the entire country,” dagdag niya.

Para naman kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, dapat ding kilalanin ang mga manggagawa at overseas Filipino workers na nagsasakripisyong iwan ang pamilya upang makapagtrabaho sa ibang bansa.

“Sumasaludo po tayo sa mga kababayan nating araw-araw bumabangon at nakikipagsapalaran tulad ng ating mga manggagawa, mga OFWs at ang bawat Juan at Juana na nagsasakripisyo para maglingkod sa kanyang kapwa tao, pamilya, mahal sa buhay at buong bayan,” ani Villanueva.

Nanawagan din ang senador sa lahat ng Pilipino na panatilihing buhay sa puso at isipan ang dinanas na hirap at sakripisyo ng mga Pilipino sa kamay ng dayuhan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig alang-alang sa tinatamasang demokrasya ng bansa.

“Paalala rin po ang araw na ito sa kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Pilipino upang mapagtagumpayan ang mga hamong hinaharap ng bansa lalo na ang patuloy na agresyon ng Tsina at ang kanilang tahasang pagsupil sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea,” ayon kay Villanueva.

Kasabay nito, nanawagan si Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa publiko na suportahan at pahalagahan ang lahat ng Pilipino na tumitindig sa anumang pag-atake ng China sa loob mismo ng teritoryo ng mga Pilipino.

Tinutukoy ni Hontiveros ang mga mangingisdang Pilipino at mga miyembro ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy.

“Their daily acts of courage, in the face of a giant threat, honor the lives of those before us who suffered and sacrificed in the name of our sovereignty,” giit ni Hontiveros.

“The everyday courage — of the Filipino fisherfolk venturing out to sea, of the Coast Guard patrolling our waters, of our Navy standing guard on an ailing yet resolute ship — stirs our hearts and strengthens our resolve to fight for what is ours, for what is right, for what is true,” patuloy niya.

Inihirit pa ni Hontiveros na “tumindig tayong lahat alang-alang sa ating mga tagapagtanggol, alang-alang sa ating kaligtasan, alang-alang sa kapayapaan ni Inang Bayan.”

Ginugunita tuwing Abril 9 ang Araw ng Kagitingan bilang pagpaparangal sa katapangan ng mga sundalong lumaban sa pananakop ng Hapon noong Ikalawang Digmaan na nanatili ang huling tindig sa Bataan at Corregidor. Ernie Reyes