MANILA, Philippines – HINDI dapat pigilan ang paghahanap ng katotohanan ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng pagpapa-alala sa mga opisyal ng pamahalaan na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin na protektahan ang bansa at ang Saligang Batas.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay kasunod ng matinding bigwas ng mga banta ni Vice President Sara Duterte laban sa kanya, kay Unang Ginang Lisa Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod-bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, tinukoy ang itinuturing niyang ‘infamous brand’ ng drug war ng nakalipas na administrasyon.
“Kaya hindi tama ang pagpigil sa mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan. Hindi na sana hahantong sa ganitong drama kung sasagutin lamang ang mga lehitimong katanungan sa Senado at sa House of Representatives,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang video message.
Aniya pa, ang mga personalidad na sangkot dito ay kinakailangan na tugunan ng direkta ang mga usapin upang sa gayon ay malaman ng sambayanang Filipino ang katotohanan.
Sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng bansa, sinabi ng Pangulo na nananatili sjyang naka-pokus sa pamamahala. Ipinangako rin ng Chief Executive na hindi nito iko-kompromiso ang ‘rule of law’ na dapat lamang na ipatupad sa lahat.
“Kaya hindi ko hahayaan magtagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika,” ang sinabi ng Pangulo.
“Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino. Magtrabaho po tayo sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas,” ang pahayag ni Pangulong Marcos. Kris Jose