Home OPINION KATUNGKULAN AT PANANAGUTAN

KATUNGKULAN AT PANANAGUTAN

MGA mabibigat na salita. Lahat tayo ay may mga ganitong papel sa iba’t-ibang aspeto ng buhay natin. Mula sa sarili mo, hanggang sa pamilya, sa eskwelahan o opisina, sa kaptibahayan at hanggang sa barangay mo. Ilan sa atin, mas malaki at mas madami ang mga katungkulan, ay mas mabigat din naman ang mga panangutan.

Pero iba ang diin at timbang ng iyong katungkulan at pananagutan kung opisyal ka ng gobyerno. Lalo na nga kung inihalal ka ng mga tao sa pwesto. Gayundin kung ikaw ay hinirang o itinakda sa pampublikong opisina o appointed sa posisyon. Mismong Saligang Batas na natin, sa Artikulo 11 ang nagsasabi – “Ang pampublikong opisina ay isang pampublikong tiwala”.

Kaya ang hirap talagang tanggapin ng mga balita ng katiwalian o korapsyon sa gobyerno. At naglipana ang mga ito nitong mga nakaraang linggo lang. Sa Bureau of Customs, sa National Food Authority, sa Dept. of Education, at sa National Agribusiness Corporation ang ilan lamang sa nilaman ng mga balita sa ating bansa.

Sa BOC ay iyong mga smuggled na “hypercars” na Bugatti Cheron, na naipasok sa bansa at naipa-rehistro pa sa LTO. Sa NFA naman ay sinuspinde ang dose-dosenang opisyales dahil sa maanomalyang pagbebenta ng mga bigas. “Ghost beneficiaries” sa Senior High School voucher system naman ang isyu sa DepEd. Sinentensyahan ng Sandiganbayan sa pagkakakulong ang tatlong opisyal ng NabCor sa illegal na pagbili ng farm equipment, sa ilalim ng Gintong Masaganang Ani  na program ng Dept. of Agriculture.

Tanong nga ng namayapang  dating Pangulong Noynoy Aquino, saan kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga ito na opisyal at kawani ng gobyerno, para sikmurain ang pagnanakaw, pag-abuso sa kapangyarihan at lokohin ang taumbayan?

Hindi na ako nagtaka nang bumagsak ang Pilipinas sa 2023 Corruption Perception Index, dahil nga talamak at laganap ang katiwalian sa gobyerno.

Itong problema ng korapsyon ang dapat harapin ng Kongreso natin, dahil ito ang tunay na dahilan kung bakit hindi pumupunta ang mga negosyonteng mamumuhanan dito sa bansa. Ito rin ang dahilan kung bakit nasasayang at nawawaldas ang pambansang badyet.

‘Pag balukot at tiwali ang mga kalakaran, kahit gaano katino ang papasok sa gobyerno, kakainin talaga ng bulok na sistema.

Nawawalan ng saysay ang mga katagang katungkulan at pananagutan.