MAHALAGANG papel ang ginagampanan ng local government units sa pagtugon ng kahirapan sa kasuluk-sulukan ng bansa sa kabila ng samu’t-saring ayudang ibinibigay ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa mga nasasakupan nito.
Ibig sabihin,babaan man ng sangkaterbang tulong ng non-government agencies ang mga kababayan sa komunidad kung wala namang inisyatibong tulungan din ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga pobreng kasamahan, hindi pa rin sila maiaahon sa kanilang lugmok na kalagayan.
Kagaya nitong pinag-uusapan natin mga benepisyaryo ng 4Ps na 10 hanggang 15 taon na sa programang hindi man lang umangat ang kalagayang hanggang ngayon ay sapat lang ang tinatanggap na ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development bilang pambili ng pagkain sa halip na pantustos sa mga gastusin sa eskwelahan ng kanilang mga estudyante upang pagdating ng araw ay maging propesyunal sila at matulungan ang mga kapatid na maitawid sa kolehiyo.
Ang punto natin, kung niyakap din sana ng LGUs ang mga benepisyaryong ito at kinalingang kabilang sa kanilang komunidad kasabay nang pagbibigay ng disenteng trabaho at pagkakakitaan, matagal na sanang umangat ang antas ng pamumuhay nila at grumadweyt na sa programa.
Hindi ba’t naging ordinaryong dahilan na ng lokal na pamahalaan na ipagpaliban ang pagbibigay ng ayuda o anomang tulong sa mga pamilyang may 4Ps bunsod sa may buwanang tinatanggap na ito mula sa ahensya?
Ang hindi alam ng ilang LGUs na para sa panggastos sa edukasyon ng mga bata ang ‘cash grants’ ng mga benepisyaryo at hindi sa pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya kaya lang napupunta na sa pagkain dahil wala naman silang pinagkakakitaan.
Paano na ngayon ang ibang mahihirap na kababayan na kailangan din mabigyan ng ayuda sa pamamagitan ng “Pantawid” kung hindi pa maiangat ang buhay ng mga kasalukuyang benepisyaryong nilumot na sa programa subalit pobre pa rin ang kalagayan nila?
Sa madali’t sabi, kailangan talagang tumaya ang mga lokal na pamahalaan ngayon upang hinay-hinay na matuldukan ang nararanasang kahirapan ng mga mamamayan.