Home OPINION MARAMING BABY TODAS SA PERTUSSIS

MARAMING BABY TODAS SA PERTUSSIS

MARAMI palang namamatay na baby dahil sa pertussis.

Sabi ng Department of Health, mga Bro, batay sa rekord ng 1,112 biktima ng pertussis mula Enero hanggang Marso 2024, may 54 nang namatay.

Pero karaniwang 6 buwan pababa ang edad ng mga ito.

Hanggang Marso lang ‘yan, ha!

Paano ang susunod na siyam na buwan hanggang katapusan ng Disyembre 2024?

Paano kaya ang mga namamatay na pinalilibing na lang ng mga magulang at hindi dumaan sa pagsusuri ng mga ospital at posibleng pertussis din ang dahilan?

MAKUKUHA SA BAKUNA

Sabi ni DOH Secretary Ted Herbosa, malalabanan ang pertussis sa pamamagitan ng bakuna.

Ang mga buntis, pwedeng mabakunahan ng anti-pertussis na maipapasa naman sa kanilang mga baby sa sinapupunan.

Sapilitang mababakunahan naman ang baby mula pagkasilang hanggang 6 buwan kung kapitan ng nasabing sakit.

Sabi ng DOH, kapag kinapitan ng ubo at lagnat ang isang baby at nagtagal ‘yan ng dalawa, tatlo, apat at mas marami pang araw, dapat dalhin na ‘yan sa ospital para masuri.

Baka pertussis na ‘yan.

‘Lam n’yo na kung ano ang maaaring mangyari kung matagal na may sakit ang isang tao.

Kung dahil sa pertussis, hindi lang malaki ang gastos sa pagpapaospital.

Malaki rin ang gastos sa paglilibing dahil mahal na ngayon ang cremation.

Ang kabaong nga lang din, para sa small at pam-baby, pinakamura ngayon ang P10,000-P20,000.

Kahit na hindi pa magamit ang buong plywood, ilang dos por dos, ilang piraso ng pako, kalahating galon ng pintura, isang pirasong kurtina, ilang pirasong diaryo at iba pa na nagkakahalaga lang ng nasa P2,000.

MAGPABAKUNA BAGO MAUBUSAN

Abril pa lang ngayon.

Ayon sa DOH, mauubos na ang bakuna laban sa pertussis sa susunod na buwan o Mayo.

Pero, ang sabi, maghahanap pa ang departamento ng mga bakunang anti-pertussis din.

Kapag sinasabi ito, mag-aangkat pa mula sa ibang mga bansa.

Kung hindi tayo nagkakamali, tila gawa ang bakunang anti-pertussis ng Sanofi Pasteur, Ltd. ang kompanyang may gawa noon ng kontrobersyal na Dengvaxia na anti-Dengue at may kasong dinidinig sa korte.

Ang Public Attorney’s Office ni Chief Persida Acosta ang namumuno sa prosecution ng mga kasong anti-Dengvaxia.

Magtiwala lang tayo sa DOH na kung mauubusan ng bakuna mula sa Sanofi, makabibili ito sa ibang mga bansa o kompanya.

At magkaroon tayo ng sapat na bakuna sa huli.

MAGPABAKUNA NA

Tag-araw ngayon na kakaunti ang mga nagkakasakit ng ubo at lagnat na palatandaan ng pertussis.

Sa tag-ulan, maaaring lolobo ang bilang ng mga magkakasakit nito.

Kaya naman, dapat ipabakuna na ang mga batang nasa edad na para mabakunahan habang hindi pa ubos ang suplay hanggang Mayo.

Ang matatanda, madali rin silang kapitan ng pertussis kaya dapat magpabakuna rin sila.

Bahala na ang mga susunod na buwan makaraan ang Mayo at umasa na lang tayong makagawa ng paraan ang DOH para magkaroon lahat ng bakuna sa buong taon.