Home NATIONWIDE Kaugnayan ng POGO sa drug war deaths, drug trade iimbestigahan ng 4...

Kaugnayan ng POGO sa drug war deaths, drug trade iimbestigahan ng 4 House panels

MANILA, Philippines – Bumuo ang Kamara ng unprecedented committee na binubuo ng apat na panel na mag-iimbestiga sa posibleng kaugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa illegal drug trade, extrajudicial killings sanhi ng droga, at iba pang mga krimen.

Layon umano nito na makakuha ng mga sagot mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pa, na maaaring sangkot sa naturang mga krimen.

Ito ang anunsyo nina House committee chairpersons Ace Barbers ng Surigao del Sur (dangerous drugs), Bienvenido Abante ng Manila (human rights), Dan Fernandez ng Laguna (public order and safety), at Stephen Paduano ng Abang Lingkod party-list nitong Miyerkules, Agosto 7, sa pagsasabing kailangan ang imbestigasyong ito upang panagutin ang mga nasa likod ng mga krimeng ito.

Ani Abante, bagamat inimbitahan na si Duterte sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House human rights panel sa drug war deaths sa kanyang administrasyon at hindi nagpakita, ang presensya ng dating Pangulo ay importante sa quadruple committee inquiry lalo na’t ang war on drugs ang centerpiece policy ng kanyang administrasyon.

“I believe that this inquiry stems from a national security concern. We [previously] invited the former President to come sapagkat siya lang ang makakasagot ng mga tanong na ito: Bakit sinasabi ng NUPL na more than 20,000 ang napatay, 16,000 ang napatay ng the vigilante forces?” ani Abante.

Aniya, ang Philippine National Police ay nagpasa ng datos sa kanyang komite na nagpapakitang 21 drug lords lamang ang napatay sa naturang war on drugs kumpara sa mahigit 7,000 drug pushers at 440 drug users na napatay.

May mga nagsumbong din umano sa kanyang mga pulis na may perang sangkot kapalit ng pagpatay sa mga drug personality.

“There are exchange of money here. Ibig sabihin ang nakita namin na there might be a quota system in the Philippine National Police, number one. Although, dine-deny ito ng iba, pero ibang mga pulis nasabi nila ito,” ani Abante.

“Pangalawa, there’s a reward system. Ibig sabihin sa reward system na ‘yan, kapag nakapatay ka ng drug pusher, may reward ka. Nalaman namin na this is a testimony of one of the police that we have officer from P20K to P60K binabayad diyan,” pagpapatuloy ng mambabatas.

“[Iyong] dapat i-rehabilitate ay napatay. Saan nanggagaling ang pera na ibinibigay sa mga nakakapatay na mga pulis? Iyon ang tanong namin dito. Kaya nagkasundo-sundo na kami para maimbitahan ang dating Pangulo, para sagutin niya ang lahat ng mga bagay na ito, because this concerns our national security at siya lamang ang makakasagot nito,” dagdag ni Abante.

Wala pang tugon si Duterte at mga kabilang sa kanyang administrasyon.

Samantala, sinabi ni Fernandez na magsisimula sa Agosto 15 ang imbestigasyon sa posibleng kaugnayan ng mga POG sa mga krimen at extrajudicial killings sangkot ang mga drug suspect.

Para kay Antipolo lawmaker at dating police officer Romeo Acop, ang pagdinig ay hindi maikokonsiderang personal na pag-atake sa dating Pangulo at sa anak nitong si Vice President Sara Duterte.

“We’re here to do our job. And our job is to find out whether the laws that we have enacted in Congress are properly implemented by the executive [department],” ani Acop.

“We are not in the business of political squabble,” dagdag pa niya. RNT/JGC