Home NATIONWIDE Kawalan ng parusa sa Juvenile Justice Law, pinabulaanan ni Pangilinan

Kawalan ng parusa sa Juvenile Justice Law, pinabulaanan ni Pangilinan

343
0

MANILA, Philippines – Itinuturing ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na pawang fake news ang paniniwala ni Senador Robin Padilla na walang parusang ipinapataw sa menor de edad na lumabag sa batas sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Sa kanyang interpellation sa privilege speech ni Padilla, sinabi ni Pangilinan na pawang fake news at disinformation ang kumakalat na lubhang nakaaapekto sa pang-unawa ng publiko sa mga probisyon ng batas.

Isinusulong ni Padilla, kaalyado ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na aniya’y tagamanupaktura ng fake news sa social media at mahilig magsinungaling sa talumpati, ang pagbabawas ng minimum age of criminal liability mula sa kasalukuyang 15 tungo sa 10 taon.

“Una sa lahat, tayo ay nakikiisa sa kanya (Padilla) sa usapin ng pangangailangan ng hustisya lalo na sa naging biktima ng krimen o kaya mga kilos ng mga kabataang nasasangkot o menor de edad na nasasangkot sa criminal activities,” ayon kay Pangilinan.

“Tama lang na dapat ang mga nagkasala ay mananagot at marahil maraming kinakailangan ding liwanagin o linawin sa usapin ng ano nga ba ang tunay na mga probisyon o tunay na mga posibleng pang-implementa ng batas at ikumpara ito sa mga hindi tama o kaya disinformation,” ani pa ng senador mula Nueva Ecija.

Inawtor ni Pangilinan ang batas noong 2006, kabilang ang mga amendments nito noong 2013 na naglilinaw na nagpapataw ng parusa ang Juvenile Justice Law sa menor de edad na nakagawa ng krimen.

“‘Yung bitiw na salita nung bata dito sa video na sinasabi na ‘ginawa namin ang krimen dahil alam namin hindi kami mapaparusahan’ ay maling impormasyon,” ani Pangilinan.

Iginiit pa ni Pangilinan na nakulong ang mga suspek sa Maguad murder case kahit menor de edad sila.

“In other words, hindi tama ‘yung sinasabi na dahil menor de edad ay hindi puwedeng parusahan, dahil ‘yung dalawang involved sa Maguad killings ay pinarusahan at nakakulong ngayon. Ayaw natin mangyari ang mga ‘to,” ani ng senador.

“Dapat lang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen na galing sa menor de edad subalit hindi tama kapag sinabi na kapag menor de edad dapat pakawalan, number one, dahil kapag pinakawalan ‘yan, labag sa batas ‘yan at dapat parusahan ‘yung mga nagpapakawala ng mga menor de edad na nagkasala,” giit ng mambabatas.

Ipinaliwanag pa ni Pangilinan na sinumang menor de edad na nakagawa ng seryosong krimen tulad ng rape at homicide ay magkakaroon ng mandatory confinement sa loob ng isang taon, na maaaring palawigin sa tatlong taon o higit pa depende sa desisyon ng korte.

Binanggit din ng senador na mahusay na naipatupad ang Juvenile Justice Law sa Valenzuela City habang nagsisilbi si Senador Win Gatchalian bilang mayor. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here