Home METRO Kawani ng munisipyo patay sa utang

Kawani ng munisipyo patay sa utang

NEGROS OCCIDENTAL- Pinaniniwalaang may kinalaman umano sa malaking pagkakautang na pera ang motibo sa pagpatay sa isang kawani ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ng lalawigan ito.

Kinilala ang biktimang si Antonio Abuyo y Locsin, 63, residente ng Sitio Pamahawan, Brgy. Palampas at kawani ng San Carlo General Services Division of the San Carlos City.

Batay sa report ng San Carlos City Police Station, bandang alas-4:40 ng hapon nang maganap ang krimen noong Huwebes sa Vasconia Road, Brgy. Palampas, ng naturang lungsod.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan at pagsapit sa nabanggit na lugar ay bigla na lamang tinambangan ng hindi kilalang suspek at binaril sa ulo gamit ang .45 kalibre na baril.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Dinala naman sa ospital ang biktima ng mga rumespondeng awtoridad subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor na si Dr. Romeo Agraviador Jr.

Sa pahayag naman ng mga kaanak, maliban sa walang nakaaway ang biktima ay labis itong namomroblema kung paano niya mabayaran ang kanyang utang.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico