MANILA, Philippines – Isang lalaki na miyembro ng akyat bahay ang inaresto makaraang pumasok sa bahay at mapagtripan pa umanong halayin ng dalawang beses ang may-ari ng bahay sa Dasmarinas City, Cavite.
Ayon sa report, kinilala ang nadakip na suspek na si Alyas Ben, residente ng Brgy. San Roque ng nasabing lungsod dahil sa reklamo ng kanyang kapitbahay na si alyas Karen.
Batay sa salaysay ng biktima, nagising siya nang nakarinig ng kalampag kaya bumangon ito at tinignan.
Dito niya naaktuhan ang suspek na nasa loob na ng kanyang bahay.
Tinangka umano ng biktima na sumigaw subalit inunahan siya ng suspek at sinabihan ng “Wag kang maingay, manahimik ka.”
Dito nagtungo ang suspek sa kusina ng bahay at kumuha ng kutsilyo at itinutok sa biktima.
Dagdag pa ng biktima, nagawa pa umano siyang pagsamantalahan ng suspek ng dalawang beses.
Matapos ang insidente, kinuha ng suspek ang pera at relo nito saka lumabas ng bahay.
Nagsumbong ang biktima sa kanilang barangay kung saan inilarawan nito ang suspek na nakilala ng mga barangay tanod dahilan upang puntahan ito sa kanilang bahay na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek matapos personal na ituro ng biktima.
Nasa Custodial Component Center ng Dasmariñas CPS ang suspek para kaharapin ang kasong isasampa laban sa kanya. Margie Bautista