MANILA, Philippines – Binigyang-katuwiran ng Malacañang ang “zero funding” ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program sa 2026 national budget.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mayroon pang P13 bilyong pondo para sa implementasyon ng AKAP program, base sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM).
“Malaki po kasi ang budget masyado sa AKAP. At out of P27 billion allocation for 2025, P13 billion pa lang ang nagagamit ng DSWD,” sinabi ni Castro.
“So, may natitira pa pong P13 billion na puwede nilang gamitin until the end of 2026,” dagdag pa niya.
Ani Castro, ang budget proposals mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay sumirit ng halos P10 trilyon para sa 2026, na lumampas sa fiscal capacity ng gobyerno.
“As a result, the DBM had to prioritize agencies in need of immediate funding,” aniya.
“Kinakailangan lamang pong i-prioritize ang dapat na ma-prioritize na agency, so most probably, ‘yun po ‘yung dahilan,” dagdag pa ni Castro.
Ipinakilala noong 2023, ang AKAP ay nagbibigay ng cash assistance sa minimum wage earners at sa mga nasa kategoryang “near-poor Filipinos” upang tulungan ang mga ito na huwag matangay ng epekto ng inflation. Kris Jose