MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo sa Department of Justice si Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima laban sa mga government prosecutor na nais pa ring buhayin ang kanyang drug cases na matagal nang case closed.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Dino de Leon, inihain ang letter complaint sa tanggapan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Hiniling ni de Lima sa DOJ na maimbestigahan si Provincial Prosecutor Ramoncito Ocampo sa kasong grave misconduct at gross ignorance of the law.
Ang reklamo ni de Lima ay kaugnay sa motion for reconsideration na inihain ng mga prosecutor sa Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204, na layong baliktarin ang acquittal sa kaso ng mambabatas.
Matatandaan na noong 2024 ay pinawalang-sala ng korte si de Lima sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nanindigan naman si Presiding Judge Abraham Alcantara na acquitted si de Lima kaya binawi na ang nasabing motion for reconsideration.
Samantala, sinabi ni de Leon na hindi sapat na bawiin lamang ang inihaing motion for reconsideration, bagkus ay dapat na patawan ng disciplinary action ang mga prosecutor.
“All of us are not safe if there are prosecutors who use their office to politically persecute citizens and at the same time who use the massive resources of the state to attack civilians and to silence dissent,” paliwanag ni de Leon. Gail Mendoza