Home METRO Kelot, 4-anyos na anak itinumba sa Abra

Kelot, 4-anyos na anak itinumba sa Abra

ABRA-Patay ang 44-anyos na lalaki at 4-anyos na anak nitong babai matapos silang pagbabarilin sa Sitio Quemmel, Brgy. Lublubba, Dolores ng lalawigang ito nitong Miyerkules ng gabi, Abril 24.

Kinilala ni Police Maj. Harold Alagao, hepe ng Dolores Municipal Police Station ang mga biktima na sina Arnel Eduarte Zapata, driver ng munisipyo ng Dolores at ang anak nitong si Ailish Precious Zapata.

Nakahiga ang mag-ama sa harap ng kanilang bahay nang pagbabarilin sila ng hindi nakilalang suspek o mga suspek na nakasakay ng motorsiklo.

Hinihinalang cal. 5.56 armalite rifle ang ginamit na baril base sa walong empty shells na narekober ng mga otoridad sa crime scene.

Isinugod sa Seares Hospital ang matandang Zapata ngunit idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor samantalang ang batang Zapata naman ay dinala sa St. Theresa Wellness Center sa Sitio Ducam, Brgy. Talogtog, Dolores, Abra ngunit hindi na nagawang isalba pa ng doktor.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Dolores MPS para alamin kung ano ang motibo ng nangyaring pamamaril at para tukuyin kung sino o sino-sino ang mga salarin. Rolando S. Gamoso