Home METRO Kelot at bebot na kapwa MWP arestado sa Pasay

Kelot at bebot na kapwa MWP arestado sa Pasay

MANILA, Philippines – Arestado sa magkahiwalay na operasyon ang isang lalaki at isang babaeng suspect na tinaguriang most wanted person (MWP) ng Pasay City police Biyernes ng hapon, Hunyo 7.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang dalawang arestadong suspects na sina alyas Ed, 32, residente ng 245 Saint Mary St., Brgy. 178, Maricaban, Pasay City, at isang alyas Hilda, 51, ng No. 284 Premiro De Mayo Street, Barangay 91, Pasay City.

Ayon kay Pabonita, unang naaresto si alyas Ed, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, dakong alas 2:00 ng hapon sa kahabaan ng Saint Mary St., Brgy. 178, Maricaban, Pasay City.

Inaresto si alyas Ed ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa bisa ng warrant of arrest na iniyu noong Mayo 16, 2024 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Edilwasif T. Baddiri ng Branch 115 na may rekomendasyon na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa halagang P200,000.

Sinabi ni Pabonita na si alyas Hilda naman ay nadakip sa ikinasang manhunt operation ng mga tauhan ng Substation 3 sa kahabaan ng F.B. Harrison kanto ng Pasadeña Street, Barangay 70, Pasay City, dakong alas 2:30 ng hapon.

Ang pag-aresto kay alyas Hilda, na naging wanted dahil sa kanyang paglabag sa Section 13, Article II ng RA 9165, na may Criminal Case No. ay R-PSY-17-14459-CR, ay bahagi ng operasyon para sa pagdakip ng mga most wanted persons ng Pasay City police.

Naging matagumpay ang pagdakip kay alyas Hilda dahil na rin sa pagsisilbi ng inisyung warrant of arrest ni Pasay City RTC Presiding Judge Divina Gracia Lopez Peliñon ng Branch 231 noon pang Enero 31, 2019 na walang kaakibat na rekomendasyon ng piyansa. James I. Catapusan