MANILA, Philippines- Patay ang isang lalaki matapos barilin sa harap ng kanyang asawa at anak na babae sa Pasay City Linggo ng hapon, Hulyo 28.
Hindi na umabot pa ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan nang isugod ito sa pinakamalapit na ospital ang 39-taong gulang na biktima, residente ng Barangay 100, Pasay City.
Sa report na natanggap ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita, napag-alaman na nakatayo ang biktima sa tapat ng kanyang bahay kasama ang kanyang asawa at anak na babae nang dumating ang dalawang suspect na magkaangkas lulan ng isang motorsiklo.
Ayon sa ilang saksi, bumaba ng motorsiko ang nakaangkas na suspek at lumapit sa biktima at sa harap ng kanyang asawa at anak ay pinagbabaril ito hanggnag sa malugmok itong duguan sa kalsada.
Matapos maisagawa ang krimen ay muling umangkas ng motorsiklo ang suspek at humarurot papalayo sa lugar ng pinangyarihan ng pamamaril hanggang sa tuluyan nang makatakas ang mga ito.
Nagawa pang maitakbo ang biktima sa ospital ngunit naideklara na itong dead on arrival.
Base sa salaysay ng asawa ng biktima, nagtatrabaho bilang drayber ang biktima at wala siyang alam na kaaway ang kanyang kabiyak kung kaya’t hindi niya alam ang motibo ng pagpatay sa kanyang asawa.
Base naman sa isinagawang imbestigasyon ay napag-alaman kay Pabonita na dati nang nasangkot sa ilegal na droga ang biktima at kalalabas lang nito ng kulungan nitong nakaraang Marso ng taong kasalukuyan.
Patuloy nman ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang kaso kung saan nagsasagawa ng backtracking ang mga imbestigador upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa ring laya. James I. Catapusan