Home METRO ‘Pag-abandona’ sa mga hayop sa San Juan city pound sa gitna ng...

‘Pag-abandona’ sa mga hayop sa San Juan city pound sa gitna ng pananalasa ni ‘Carina’ iniimbestigahan

MANILA, Philippines- Inihayag ng San Juan City government nitong Linggo na naglunsad ito ng imbestigasyon sa umano’y pagpapabaya sa mga hayop sa city pound nito sa kasagsagan ng pananalasa ni Super Typhoon Carina.

“We are committed to identifying those responsible for this gross dereliction of duty and ensuring they are held accountable to the fullest extent of the law,” pahayag ng San Juan government.

“This investigation will be swift, comprehensive, and transparent, and we will not tolerate any attempt to obscure the truth or evade responsibility,” pagtitiyak nito.

Sa isang Facebook post nitong Sabado, ipinabatid ng animal welfare group na Strategic Power for Animal Respondents (SPAR) – Philippines ang pagkaalarma sa naiulat na “mistreatment” at “neglect” na naranasan ng mga hayop sa San Juan City Pound dahil naiwan umanong nalunod sa baha.

Sa mga larawang ibinahagi ng SPAR sa social media, makikita ang mga pusa at asong nakakulong habang tumataas ang baha sa tila walang kata-taong compound.

“Dogs slowly suffocating in floodwaters, helpless and abandoned. This inhumane treatment began long before the recent flooding, indicating a chronic and systemic problem,” anang SPAR.

Sinabi pa ng animal welfare group na ang San Juan City Pound ay nagsasagawa ng operasyon sa “unregistered facility.”

Base sa SPAR, iniulat ng ilang concerned citizens na maraming hayop na ang nasawi dahil sa pagmamaltrato sa loob ng pound bago pa man tumama ang bayo.

Siniguro ng San Juan LGU na hindi nito kukunsintihin ang anumang “lapses” sa pangangalaga at pagprotekta sa mga hayop at ikakasa nito ang “all necessary steps to prevent such tragedies from happening again.”

Isinailalim ang Metro Manila sa state of calamity noong nakaraang linggo dahil sa malawakang pagbaha dulot ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng bagyong Carina.

Sa ulat nitong Linggo, sinabi ng animal rescuers na nasagip nito ang walong pusa at 20 aso mula sa pasilidad.

Subalit, walo pang pusa ang natagpuang patay.

Dinala ang mga nasagip na hayop sa iba’t ibang animal shelters sa Cubao, Quezon City at Angono, Rizal.

Nagpaalala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa publiko na pakawalan ang mga hayop sa pagkakatali o pagkakakulong ng mga ito tuwing may bagyo o baha.

“Umiiyak kami habang nagrerescue kami. Iyak kami nang iyak ang daming patay na pusa na lumulutang. May pusa doon na kahit na lunod-lunod na siya tina-try niya i-survive ang sarili niya. Nagbigay kami ng first aid agad. Nagbigay kami manual CPR sa kanila,” pahayag ni animal rescuer Veron Cari-An.

“Ang city legal po ay nagka-conduct ng isang malawakan at komprehensibong imbestigasyon patungkol sa nangyari sa ating San Juan dog compound po. Hopefully, ito ay just an isolation but we will try to investigate,” ayon naman kay Mohammad Fayez Paudac, San Juan City acting city legal officer. RNT/SA