Home METRO Kelot dedo sa saksak sa P100 utang

Kelot dedo sa saksak sa P100 utang

MANILA, Philippines – Dahil sa P100 utang ay sinaksak hanggang mamatay ang 29-anyos na lalaki sa Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental nitong Lunes, Abril 15.

Ani Police Major Joevito Bose, Moises Padilla police chief, nilapitan ng 59-anyos na suspek na isang person with disability (PWD), ang biktima at siningil sa utang nito.

Sa kabila nito, tumangging magbayad ang biktima hanggang sa nagkainitan ang dalawa. Sinipa ng biktima ang suspek sa mukha, ayon kay Bose.

Dito na gumanti ang suspek at sinaksak ang biktima sa kanang leeg gamit ang kutsilyo.

Namatay on the spot ang biktima, habang naaresto naman ang suspek sa kanyang tirahan.

Ilang linggo na umanong sinisingil ng suspek ang biktima sa utang nito ngunit sa halip na magbayad ay nilalait pa umano siya at pinagtatawanan dahil sa kanyang kapansanan.

Isinampa na ang kasong homicide laban sa suspek. RNT/JGC