Home ENTERTAINMENT Manilyn, aminadong favorite si Janno!

Manilyn, aminadong favorite si Janno!

Manila, Philippines – Sa guesting ni Manilyn Reynes sa Updated with Nelson Canlas, tinanong siya kung sino sa  mga naging ka-loveteam niya ang pinaka-memorable para sa kanya.

For the record, tatlong aktor ang itinambal sa kanya sa mga pelikula at ilang TV show noong kasagsagan ng kanyang kasikatan noong dekada 80 hanggang dekada 90.

Ang mga ito ay sina Janno Gibbs, Keempee de Leon, at Ogie Alcasid.

Pero aling loveteam nga ba ang maituturing ni Manilyn na pinaka-memorable para sa kanya?

Sagot ni Manilyn, “Manilyn-Janno loveteam kasi nagsimula ‘yun sa That’s Entertainment e, sa That’s talaga.”

Ang That’s Entertainment na tinutukoy ng singer-actress ay ang sikat na sikat na youth-oriented show na napapanood noon sa GMA 7, na ang mga naging members nito ay pawang mga kabataan kung saan magkasama sila ni Keempee. At ang main host ay ang sumakabilang-buhay na si German Moreno o mas kilala sa tawag na Kuya Germs.

At ayon pa sa ibinahagi ni Manilyn sa naturang show, si kuya Germs daw ang bumuo ng loveteam nila ni Janno.

“Kasi merong event noon na it was for a launch ng isang produkto and then sabi ni Tito Germs, before that day, sabi niya, ‘Sino’ng gustong pumunta? Pumunta kaya kayo?’ Ganu’n,” ani Manilyn.

Ang sabi raw sa kanila noon ni Kuya Germs ay kumanta sila sa event at doon na nga nagsimula ang pagsi-ship ng manonood sa kanilang loveteam.

“Talagang ‘yung mga tao, sobrang tilian, ganiyan, kilig-kilig. So mula nu’n, lagi na kaming nagdu-duet, so naging loveteam na talaga kami ni Janno,” aniya pa.

Kasunod nito, naging malaking isyu ang paghihiwalay nila bilang loveteam at bilang magkarelasyo na rin, kasabay ng pagsikat ng classic OPM hit song niya na Sayang na Sayang Lang.

Marami ang nagpalagay noon na isinulat daw ang nasabing kanta para kay Janno. Pero paglilinaw ni Mane, wala itong bahid ng katotohanan.

“Actually, hindi! Kasi ibinigay sa akin ‘yung song na ‘yun, well sabagay wala naman talagang explanation ang Octo Arts kung para kanino.

“Pero ‘yung sumulat nu’n is si Mr. Ben Escasa. Nu’ng ibinigay sa akin ‘yun, wala ring pasabi,” aniya.

“’Basta’t ito ‘yung kanta, kantahin mo ‘to.’ Yun ang sabi sa akin. At dahil nga timing na timing din sa pagkakahiwalay ng loveteam, tumulak ngayon ‘yung kanta,” paliwanag pa ni Manilyn. Ronmel Placente