Home NATIONWIDE Kelot inaresto ng NBI sa pangingikil, pagbabanta

Kelot inaresto ng NBI sa pangingikil, pagbabanta

MANILA, Philippines – Isang indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation – Public Corruption Division (NBI-PCD) sa Mandaluyong City matapos pagbantaan at kikilan ang kanyang nakarelasyon.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na mahaharap sa kasong Robbery-Extortion na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 ang suspek na si Dibson Manubay y Maybyena.

Ayon sa complainant, nagkaroon sila ng relasyon ng suspek ngunit nagpasya na makipaghiwalay dahil sa mapang-abusong pag-uugali.

Nagbanta ang suspek na hindi lamang gagawa ng pisikal na pananakit kung saan hawak nito ang mga hubad na larawan kundi susunugin din ang kanyang bahay.

Dagdag pa, humihingi ang suspek ng P30,000. kapalit ng hindi pagpapakalat ng kanyang sex video online.

Bunsod nito, agad na ipinag-utos ni Santiago sa pakikipagtulungan sa local police na magsagawa ng entrapment operation sa isang mall sa EDSA Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Nagresulta ang operasyon sa pag-aresto sa suspek matapos tanggapin ang entrapment money. Jocelyn Tabangcura-Domenden