Home NATIONWIDE Kelot kulong sa panggagahasa sa babaeng humingi ng tulong

Kelot kulong sa panggagahasa sa babaeng humingi ng tulong

MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos na gahasain ang live-in partner ng kanyang kaibigan na humingi ng tulong sa kanya.

Ang 32-anyos na suspek ay itinuturing na most wanted person sa CALABARZON dahil sa kasong rape, na naaresto nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 14, 2025 sa Cainta, Rizal.

Ayon sa Cainta PNP, nangyari ang panghahalay ng akusado sa 21-anyos na babaeng biktima noong Disyembre 2022.

Sa ulat, sinamantala umano ng suspek ang pagkakataon nang humingi ng tulong ang babae para hanapin ang live-in partner nito.

“Nilapitan ng ating biktima ang ating akusado dahil tatlong araw nang hindi umuuwi ‘yung kanyang live-in partner na kaibigan ng ating akusado. Pinapunta ng akusado ‘yung biktima sa kanyang tinitirhan, at sa pag-aakala naman po na talagang tutulungan s’ya, pumunta s’ya. Doon po ginawang ang panghahalay. Base po sa salaysay mayroong penetration sa ating biktima,” pahayag ni ni Police Lieutenant Colonel Alfredo Lim, hepe ng Cainta Municipal Police Station, sa panayam ng ABSCBN News.

Pinagbantaan pa umano ng suspek ang biktima kaya hindi na ito nakapalag sa panghahalay.

“Dahil dadalawa lang sila, nadala po ang ating biktima sa pananakot ng akusado,” sinabi pa ni PLtCol. Lim.

Nitong Mayo 7, ay inilabas ng Antipolo Regional Trial Court Branch 141 ang warrant of arrest laban sa akusado at makalipas ang isang linggo ay natunton ito ng tracker team ng Cainta PNP sa Barangay Sto. Domingo.

Sa halip na umamin ay sinabi pa ng suspek na ginusto umano ng biktima ang nangyaring pagtatalik.

“Pumayag naman po siya. Pumunta po siya. Siya naman po may gusto hindi naman po ako. Humihingi po ako ng tawad para makalabas na po ako, wala naman po akong kasalanan eh,” ayon pa sa akusado.

Dati nang nakulong ang suspek dahil sa illegal na droga at pagsusugal.

Nasa kustodiya na ng Cainta Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong rape na walang inirekomendang piyansa. RNT/JGC