Home METRO Kelot na armado ng baril, bagsak sa selda

Kelot na armado ng baril, bagsak sa selda

MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos maaktuhan ng mga pulis na may bitbit na baril habang pagala-gala sa lansangan sa Malabon City.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) hinggil sa isang lalaki na armado ng baril habang pagala-gala sa Estrella St., Brgy. Tañong.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ni P/Capt. Ritchell Siñel, hepe ng SIS kung saan naispatan nila ang isang lalaki na may bitbit na baril kaya agad nila itong nilapitan saka inaresto dakong alas-5:20 ng umaga.

Nakumpiska sa suspek na si alyas “Roman” ang isang cal. 22 revolver na may limang bala at nang hanapan nila ng mga kaukulang dokumento hinggil sa legalidad ng naturang armas ay walang naipakita ang suspek.

Binitbit ng mga pulis ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act sa piskalya ng Lungsod ng Malabon. Rene Manahan

Previous articleMga sakit sa balat at sore eyes nararanasan na sa mga kulungan – BJMP
Next articleBarge at barko nagbanggaan malapit sa Verde Island