Home METRO Kelot na bangag sa droga arestado sa motel sa Pasay

Kelot na bangag sa droga arestado sa motel sa Pasay

MANILA, Philippines- Dahil sa mataas ng tama ng ilegal na droga ay inaresto ang isang lalaking hubo’t hubad sa isang motel sa Pasay nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 12.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang nadakip na suspek na si alyas Rodeo.

Base sa report na natanggap ni Pabonita, naganap ang pag-aresto kay alyas Rodeo dakong alas-4 ng madaling araw sa isang motel na matatagpuan sa panulukan ng EDSA at Aurora Boulevard, Pasay City.

Sinabi ni Pabonita na nagulat si Ellen at kanyang asawa na guest sa motel na nabanggit nang makita nila ang suspek na hubo’t hubad na nakatayo sa tapat ng pinto ng kanilang tinutuluyang kwarto.

Agad na humingi ng tulong ang asawa ni Ellen na tumawag sa motel staff na siya namang tumawag rin ng responde sa barangay.

Ayon kay Pabonita, mabilis na rumesponde ang mga opisyales ng Barangay 150 kung saan pinakiusapan pa ng mga ito ang suspek na pumasok sa kanyang kwarto at magsuot ng damit ngunit hindi pa rin ito kumilos na naging dahilan ng pagkakaaresto nito.

Sa pagsisiyasat sa loob ng kwarto ng suspect ay nakarekober ang mga opisyales ng barangay ng dalawang ringgilya (syringe) na may lamang tig-.35 mL ng pinaghihinalaang liquid shabu at isa pang nagamit na ringgilya na may bakas din ng ilegal na droga.

Nahaharap sa mga kasong acts of lasciviousness at illegal possession of prohibited drugs ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. James I. Catapusan