BACOLOD CITY- Arestado ang isang 38-anyos na lalaki ng mga pulis matapos mang-hostage ng sariling pamilya sa loob ng bahay ng kanyang kapatid sa Barangay Estefania sa lugar na ito nitong Sabado ng hapon.
Sinabi ni Police Capt. Francis Depasucat, pinuno ng Police Station 4, na ang suspek, armado ng dalawang kutsilyo at isang martilyo, ay umakyat sa pader upang makapasok sa bahay.
Nagtago ang ina at kapatid ng suspek, kasama ang dalawang menor-de-edad na anak, sa isang silid.
Pumasok siya sa salas at winasak ang mga kagamitan.
Dumating ang mga pulis at nakipag-negosasyon sa suspek upang pakalmahin ito subalit hindi ito nakumbinsi.
Ani Depasucat, nakikipag-away ang suspek sa kanyang kapatid at ina ukol sa pera at iba pang isyu sa pamilya, dahilan upang maging agresibo ito.
Sinabi ng mga pulis na nagdesisyon ang kapatid ng suspek na paalisin ito sa kanilang tahanan dahil sa asal nito, kaya nagalit ang suspek sa kanyang pamilya.
Tumagal ang negosasyon ng mahigit isang oras hanggang magdesisyon ang mga pulis na supilin na ang suspek dahil sa pag-igting ng sitwasyon kung saan winasak na ng suspek ang pinto ng silid kung saan nagtatago ang kanyang mga kapamilya.
Base kay Depasucat, sugatan ang suspek maging ilang pulis mula sa kaguluhan.
Nasagip naman ang mga biktima at kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng mga pulis ang suspek.
Ikinakasa na ang kaukulang kaso laban sa suspek, na naaresto na dahil sa illegal gambling at illegal possession of firearm. RNT/SA