MANILA, Philippines- Arestado ang isang 36-anyos na lalaki dahil sa umano’y panggagahasa sa limang taong gulang na anak na lalaki sa Quezon City.
Base sa ulat nitong Miyerkules, sinabi ng ina ng biktima na nagsimula ang pang-aabuso noong 2022, dahilan upang iwan niya ang suspek.
Nagkabalikan sila noong Oktubre, sa paniniwalang nagbago na ito.
“Nagbakasyon yung ating complainant, iniwan lang niya sa tatay yung bata. Pagbalik niya, parang nagduda siya doon sa anak niya, parang may kakaiba na. Naeksamin ng ating medico-legal, doon nga may nakita na may injury sa private part ng bata,” pahayag ni NBI Organized And Transnational Crime Division chief Attorney Jerome Bomediano.
“Hindi ako gumagawa ng kwento para sa lalaki. Makulong po talaga siya tapos makamit namin yung justice,” anang ina ng biktima.
Samantala, itinanggi ng suspek ang mga alegasyon.
“Ginagamit niya yung bata against sa akin. Kung gusto lang niya makalaya sa akin, para magawa niya ang gusto niyang gawin. Lalabas din ang totoo, manggagaling yan sa anak ko, inosente ako. Ang inaalala ko rito yung trauma at yung negative effect sa mental health sa bata,” wika ng suspek.
Maghahain ng kasong rape sa ilalim ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 7610 o Child abuse laban sa suspek.
“Atin din ipapaeksamin din natin ang tatay kung gumagamit siya ng droga,” dagdag ni Bomediano.
Magsasagawa naman ng psychological intervention at counseling sa batang biktima. RNT/SA