MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang lalaki nang mabisto ang dalang baril makaraang masita ng mga pulis dahil sa pag-ihi sa bawal na lugar sa Caloocan City.
Sa tinanggap na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 13 sa Phase 3, Brgy. 176, Bagong Silang nang matiyempuhan nila ang isang lalaki na umiihi sa pampublikong lugar na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.
Nang hingan ng identification card para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay tumakbo ang suspek kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang sa aksidente umano itong matalisod dahilan upang makorner siya ng mga parak.
Dito, napansin ng mga pulis ang puluhan ng baril na nakasukbit sa kanyang baywang ay agad siyang pinosasan nang walang maipakita ang suspek na si alyas Ogag ng kaukulang papeles hinggil sa ligaledad ng isang kalibre 32 revolver na kargado ng tatlong bala na nakuha sa kanya.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act. Rene Manahan