LAPU-LAPU CITY, Cebu- Patay ang tatlong indibidwal, habang isa ang sugatan matapos mag-amok ang isang 40-anyos na suspek na nasa impluwensya umano ng ilegal na droga, at pagbabarilin sila sa Sitio Jagna, Barangay Maribago, Lapu-Lapu City, nitong Biyernes, bandang alas-8 ng gabi.
Kinilala ang suspek na si “Jun-jun,” residente ng lugar, na nadakip kasunod ng hot pursuit operation.
Tinukoy naman ni Police Lieutenant Colonel Christian Torres, tagapagsalita ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), ang mga nasawi na isang 26-anyos na photographer, isang Ngangang Aying, at isang babaeng lending collector. Agad binawian ng buhay ang tatlo sa insidente.
Samantala, sugatan naman ang 30-anyos na construction worker na kinilalang si “Toto,” at kasalukuyang nasa ospital.
Ayon kay Torres, binaril ng suspek ang sinumang nakasalubong nito, unang tinarget si Aying.
“It seemed like he was extremely high. One of the victims was someone he had a dispute with,” paglalahad ni Torres.
“His first target was the second victim, who was known to have a feisty personality. After that, he went on to shoot anyone he encountered,” dagdag niya.
Matapos ang pamamaril, umuwi ang suspek kung saan narekober ng mga awtoridad ang mga ilegal na droga at drug paraphernalia, kasama ang .45 caliber pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Inihayag din ni Torres na apat na buwan pa lamang nakalaya ang suspek mula sa pagkakakulong dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug trade. Iniimbestigahan na ng mga pulis kung paano siya nakalaya.
Kasalukuyang nakaditine ang suspek sa detention facility ng LCPO habang ikinakasama ang kaso laban sa kanya. RNT/SA