PANGASINAN- Isinugod sa ospital ang isang 22-anyos na lalaki matapos na saksakin ng kanyang pinsan sa Brgy. Buenlog, Binmaley ng lalawigang ito kagabi.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay walang asawa, residente ng Brgy. Baybay Lopez ng naturang bayan samantalang ang 54-anyos na suspek na pinsan ng biktima ay residente ng Brgy. Buenlog.
Sa inisyal na imbestigasyon, hinamon umano ng biktima ng suntukan ang suspek at pinagbantaan din na papatayin.
Agad na pumasok ng bahay ang suspek at kumuha ng kutsilyo saka nito hinabol ang biktima at sinaksak sa kanang bahagi ng katawan.
Arestado naman ang suspek na nasa kustodya ngayon ng Binmaley MPS.
Narekober din ng mga otoridad ang kutsilyong ginamit ng suspek.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin kung ano ang rason at bakit bigla na lang naghamon ng away ang biktima. Rolando S. Gamoso