MANILA, Philippines – Nalambat ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Pasay City police ang isang lalaking may dala ng baril sa loob ng pampublikong sementeryo sa Pasay City nitong Undas, Nobyembre 1.
Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang nadakip na suspect na si alyas Kalbo, 25.
Base sa report na natanggap ni Pabonita, inaresto si alyas Kalbo dakong alas 9:00 ng gabi na armado ng baril sa loob ng Pasay City Public Cemetery.
Nag-ugat ang pagdakip sa suspect matapos makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SIS na may isang lalaking may dala ng baril sa loob ng semeteryo at nang kanilang tinungo ang kinaroroonan ng suspect ay naaktuhan nila itong may hawak na baril.
Tinangka pa umanong tumakas ng suspet ngunit nakorner ito ng mga operatiba na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska sa posesyon ng suspect ang isang Colt .45 kalibre pistola na may magazine na kargado ng tatlong bala.
Matapos maidokumento ng SIS ang kaso ay kanilang itinurover ang baril at ang suspect sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City police para sa pagsasampa ng kaso laban kay alyas Kalbo sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan