Home NATIONWIDE Public plaza sa 60 lungsod gagawing trade hubs ng DTI

Public plaza sa 60 lungsod gagawing trade hubs ng DTI

MANILA, Philippines – Gagawing “creative publis spaces” ang mga public plaza sa buong bansa sa bagong inisyatibo ng pamahalaan kung saan pauunlarin ang “artistry, craftsmanship at entrepreneurial spirit” sa komunidad.

Sa business expo na ginanap noong Martes, sinabi ng opisyal mula sa Department of Trade and Industry (DTI) na target ng upcoming program ang 60 lungsod, na sisimulan sa pagpapaganda ng kanilang mga plaza.

Layon nitong baguhin ang mga plaza at gawing hubs para sa lokal na talento kung saan nila maaaring ipakita ang galing sa art, musika, design, crafts, traditional man o digital, contemporary at indigenous, at maaari nilang maialok ang kanilang mga produkto at serbisyo.

Inanunsyo ni Trade Undersecretary Rafaelita Aldaba na ang creative sector ay nag-ambag ng P1.6 trilyong gross value added (GVA) sa ekonomiya noong 2022, mas mataas ng 6.8 percent mula sa P1.47 trillion noong 2019.

Ang GVA ay tumutukoy sa value na idinagdag ng producers sa goods at services na kanilang binili.

Batay sa datos, ang creative sector ay nakakapag-empleyo ng 7.26 milyon sa buong bansa.

Lumabas din, ani Aldaba, na tatlong lungsod sa Pilipinas ang nagsisilbing lead advocates ng creative economy, matapos maisama bilang miyembro ng World Network of Creative Cities ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco).

Ito ay ang Baguio na naging miyembron noong 2017 dahil sa kanilang homegrown crafts at folk art; Cebu, noong 2019 sa yumayabong na design scene; at Iloilo City para sa gastronomical tourism.

Ang mga lungsod na ito ay pinili ng UNESCO sa kanilang tagumpay na gamitin ang art bilang isa sa major drivers ng kanilang lokal na ekonomiya. RNT/JGC