MANILA, Philippines – Sumadsad ang isang air force cargo plane na maghahatid sana ng relief sa Basco, Batanes, Biyernes ng hapon, Nobyembre 1 matapos na matanggal ang nose landing gear nito habang lumalapag.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, spokesperson ng Armed Forces of the Philippines, walang nasaktan sa insidente nang matanggal ang harapang gulong ng Philippine Air Force (PAF) C-295 sa kanilang pag-landing bandang alas-3 ng hapon.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Col. Maria Consuelo Castillo, tagapagsalita ng PAF, na iniimbestigahan na nila ang insidente upang matukoy kung ano ang sanhi nito.
Umalis ng Manila ang cargo plane para ibyahe ang family food packs para sa Office of Civil Defense (OCD).
Siniguro naman nina Castillo at Padilla na magpapatuloy ang rescue at relief operations sa Batanes.
Sa inventory ay mayroong pitong C-295 aircrafts ang PAF, kung saan ang pinakabagong unit ay tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Clark Air Base sa Pampanga noong nakaraang taon.
Samantala, sa Facebook post ay sinabi ni Batanes Gov. Marilou Cayco na ang Basco airport ay sarado hanggang ngayong Linggo, Nobyembre 3 “for fixed-wing aircrafts.” RNT/JGC