MANILA, Philippines- Isang lalaking hinihinalang sangkot sa tinatawag na “annulment scam” ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na inaresto ng NBI- National Capital Region na si Mark Figueras.
Sinabi ng NBI-NCR na ito ay matapos magreklamo ang isang babaeng biktima na tinangayan ni Figueras ng P500,000 kapalit ng pangako na maa-annul ang kanyang kasal.
Iniharap ng NBI si Figueras sa inquest sa Quezon City Prosecutor’s Office sa kasong estafa at falsification of public documents sa ilalim ng revised Penal Code (RPC).
Bilang patunay, sinabi ng biktima na binigyan siya ni Figueras ng “trial memorandum” na inisyu ng korte sa Zambales.
“However, the OIC (officer-in-charge) Clerk of Court of the Regional Trial Court of Iba Zambales issued a certification revealing that there is no existing Civil Case for annulment filed under the name of the Complainant and her husband,” sabi ng NBI.
“Furthermore, there is no existing RTC Branch 72 in Iba, Zambales and that there is no ‘Judge Federico Peralla Sr.’ in any of the RTCs in Iba, Zambales,” dagdag pa ng ahensya.
Sinabi ng NBI na sinabihan ni Figueras ang complainant na maghanda para sa panunumpa sa harap ng Office of the Solicitor General sa Intramuros, Manila, na itinakda noong Marso 18, 2024.
Matapos i-reset ang “oath taking” noong Marso 20 sa Quezon City, sinabi ng ahensya na nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng NBI-NCR na humantong sa pagkakaaresto kay Figueras. Jocelyn Tabangcura-Domenden