CAINTA, Rizal – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay San Juan, ayon sa pulisya.
Ayon sa pulisya, nasapul ng CCTV ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo na bumaba at pumasok sa eskinita patungo sa bahay ng biktima. Hindi na nakuhanan ang aktwal na pamamaril, ngunit ilang putok ng baril ang narinig matapos nito.
Nakita rin sa CCTV na parehong naka-helmet ang mga suspek nang tumakas sakay ng kanilang motorsiklo.
Natagpuan ang biktima na nakahandusay sa kaniyang kama at may tama ng bala. Nakarekober din ang mga imbestigador ng walong basyo ng bala sa crime scene.
Tinitingnan ng pulisya ang ilegal na droga bilang posibleng motibo matapos makakita ng drug paraphernalia sa bahay ng biktima. Lumabas din sa imbestigasyon na may nauna na itong kaso kaugnay ng droga at nakulong na rin dahil sa drug offenses at ilegal na pagmamay-ari ng baril.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at isinasagawa ang pagtugis sa mga suspek. Mary Anne Sapico