Cebu, Philippines – Isinara ang Talisay City Hall sa Cebu ngayong Martes, Abril 28, kasunod ng natanggap na bomb threat, habang sinuspinde rin ang mga aktibidad ng summer clinic.
Sa isang advisory na inilabas sa social media, sinabi ni Mayor Gerald Anthony Gullas na “while the message appears to be fake” ay hindi siya maaaring magpakampante, at binigyang-diin na “The safety and security of our people will always remain our top priority.”
Humingi rin ng paumanhin si Gullas sa mga nagbabayad ng buwis, mga empleyado, at iba pang naapektuhan ng aberya.
Ayon sa kanya, “As a precautionary measure, City Hall will remain closed for today, and all summer clinic activities are suspended. We ask for everyone’s understanding and cooperation. Please remain vigilant, stay calm, and keep safe.”
Ayon sa ulat, nakatanggap ang mga awtoridad ng mensahe na nagsasabing may mga pampasabog na inilagay sa tatlong gusali sa loob ng City Hall complex.
Nakasaad sa mensahe: “Naa sa 3 ka building ang bomba. Amping mo pirmi naay g lubong karon Bomba naa sa 3 ka building sa city hall.”
Agad na nakipag-ugnayan si Gullas sa Talisay City Police Station at Special Weapons and Tactics (SWAT) team na nagsagawa ng inspeksyon sa tatlong gusali habang isinasagawa ang beripikasyon sa banta.
Sinuspinde rin ang operasyon ng pamahalaang lungsod at lahat ng transaksyon sa City Hall para sa buong araw bilang pag-iingat.
“While the account that sent the message appears to be fake, we cannot and will never ignore any threat that may put lives at risk,” ayon pa sa alkalde, na nagsabing ang lahat ng banta ay “must be taken seriously and acted upon immediately.”
Matatandaang pansamantalang isinara rin ang Talisay City Hall noong Oktubre 28, 2025 dahil sa kaparehong bomb threat. Mary Anne Sapico