MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang dalawa iba pa nang araruhin ng kanilang pick-up truck ang nakaparadang trailer truck sa national highway sa City of Naga, southern Cebu nitong umaga ng Sabado, Setyembre 14.
Kinilala ang nasawi na si Robert Jimenez, legal age. Nasaktan naman sina John Reggie Vivar, 24, at Aaron Mata, 34.
Ang nasawi at dalawang nasaktan ay sakay ng isang Toyota Hilux na minamaneho ni Vivar.
Ayon kay Lt. Col. William Himoc, hepe ng Naga City Police Station, nakita sa liquor test na nakainom si Vivar at kanyang mga kasamahan.
Samantala, kinilala naman ang drayber ng trailer truck na si Jayson Marven Cabrillos, 25.
Siya ay pinakawalan na matapos mapatunayang maayos na nakaparada ang trailer truck sa gilid ng kalsada nang mangyari ang aksidente.
Anang pulisya, si Jimenez, na nakaupo sa katabi ni Vivar ay tumilapon pa sa labas dahil sa lakas ng impact.
Idineklarang patay si Jimenez nang siya ay dalhin sa ospital. RNT/JGC