MANILA, Philippines – Arestado ang isang habal-habal driver matapos makumpiskahan ng tatlong kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P21.4 milyon sa buy-bust operation sa Compostela town, northern Cebu nitong Sabado, Setyembre 14.
Kinilala ang suspek na si Francis Serecon Molina, 45.
Isingawa ng Provincial Intelligence Unit-Provincial Drug Enforcement Unit ng Cebu Police Provincial Office at Compostela Police Station ang naturang operasyon.
Ayon kay Molina, hiniling sa kanya ng isang lalaking nakilala niya sa Facebook na ihatid ang mga droga.
Ang unang delivery ay nangyari umano noong Hulyo at binayaran siya ng P5,000.
Dagdag pa, ang naturang indibidwal ay tatawagan umano siya kung magpapadeliver ulit ng shabu.
Ani Molina, naakit siyang tanggapin ang alok na magdeliver ng kontrabando dahil hindi sapat ang kanyang kita sa pagiging habal-habal driver para tustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC