MANILA, Philippines – Epektibo “at least for now” ang bakuna laban sa African swine fever (ASF), sinabi ng Department of Agriculture nitong Sabado, Setyembre 14, kung saan nananatiling buhay at malusog ang mga baboy na binakunahan noong Agosto.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DA Assistant Secretary and spokesperson Arnel De Mesa na limang baboy lamang ang namatay ngunit dahil sa pulmonary diseases, na nadiskubre matapos ang pagbibigay ng bakuna.
“May namatay na lima pero because mayroon silang precondition na hindi sinabi doon sa nag-a-administer doon sa Lobo (in Batangas province). But, iyong others ay talagang napaka-healthy hanggang sa ngayon,” aniya.
“Dahil iyong unang batch na exposed sa ASF, and in fact buhay pa sila ngayon at apparently healthy, can tell us na maganda iyong bakuna,” dagdag pa ni De Mesa.
Aniya, aabot ng 14 hanggang 30 araw bago mag-fully develop ang antibodies sa mga baboy.
Kamakailan ay inilunsad ng DA ang kauna-unahang government-controlled vaccination sa 41 malusog at ASF-negative na baboy sa malilit na babuyan sa Batangas.
Ang pagbabakuna ay palalawigin pa sa ibang lugar sa Visayas at Mindanao.
Ani De Mesa, pinagsisikapan din ng pamahalaan na makumpleto ang pagbili ng 600,000 vaccine doses laban sa ASF sa susunod na buwan.
“Ini-expect natin iyong procurement noong natitirang bakuna iyong kabuuan na 600,000 doses ay matapos mid-October para magtuluy-tuloy na iyong bakunahan natin,” aniya.
Naglaan ang pamahalaan ng P300 milyon para sa pagbili ng nasa 600,000 ASF vaccine doses na dinevelop ng Vietnam, at karagdagang P50 milyon para sa related inoculation costs. RNT/JGC