MANILA, Philippines – Mahigit dalawang milyong Filipino ang makikinabang mula sa bagong credit facility na inilunsad ng administrasyong Marcos ngayong linggo, kung saan papayagan ang mga magsasaka na makakuha ng hanggang P60,000 subsidiya sa panahon ng cropping season.
Sa forum nitong Sabado, Setyembre 14, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at spokesperson Arnel De Mesa na ang Agri-Puhunan at Pantawid Program (APP) ay kabilang sa mga kasalukuyang government subsidies sa mga magsasaka, katulad ng punla, irigasyon at makinarya.
Ang mga benepisyaryo ng APP ay makatatanggap ng net amount na P58,000 para sa production costs at subsistence allowance na P8,000 sa loob ng apat na buwan.
“PHP60,000 kada cropping season. So, hindi na mamumroblema iyong ating mga magsasaka kung saan sila kukuha ng additional na panggastusin nila, additional na pera para pambili ng fertilizer or additional inputs doon sa kanilang sakahan,” ani De Mesa.
“This is good for farmers na hindi lalampas sa dalawang ektarya iyong sinasaka. Sa mga rice farmers, more than two million rice farmers ito na makikinabang sa buong Pilipinas,” dagdag pa ng opisyal.
Aniya, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng Interventions Monitoring Card (IMC) na magagamit nila para makabili ng punla at fertilizer, mula sa accredited suppliers ng DA.
“Ang pangunahin (na layunin) dito is makakawala sila doon sa mga,” sinabi ni De Mesa.
“Imagine mo, sa 5-6 that’s 20 percent per month — ito one percent sa isang cropping season o sa kalahating taon ay two percent per annum. Halos hindi ramdam ito ng ating mga magsasaka,” pagpapatuloy nito.
Nitong Biyernes, ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Agri-Puhunan at Pantawid Program sa Guimba, Nueva Ecija. RNT/JGC