Home METRO Kelot pinatay sa ‘di binayarang utang

Kelot pinatay sa ‘di binayarang utang

MANILA, Philippines – Binaril-patay ang isang lalaki sa Cebu City dahil umano sa bigong pagbabayad nito ng utang.

Sa ulat, kinilala ang suspek na isang 18-anyos na binata na malapit na kaibigan ng pamilya ng biktima.

“Bakit nagawa nila yun sa aking ama? Maayos naman ang pakikitungo ng aking ama sa kanila. Tapos, yung ang gagawin nila sa papa ko,” ayon sa anak ng biktima, sa panayam ng GMA News.

“Yung batang yan, malapit sa akin, kaya malapit din siya kay papa. Sa tuwing pupunta ako rito, siya ang sasalubong sa akin,” ayon naman sa isa ring anak nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, humiram ng P400 ang biktima mula sa suspek.

Nang malaman ng suspek na nanalo sa online game ang biktima ay sinubukan na nitong singilin ang ipinautang na pera.

Nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima ngunit wala ito roon.

Kalaunan ay bumalik ang suspek sa bahay ng biktima at sinubukang singilin ang utang ngunit hindi nakapagbayad ang biktima dahil naubos na umano ang kanyang pera.

Dito na namaril ang suspek, ayon sa pulisya.

Inaresto ang suspek at nahaharap sa kasong murder. RNT/JGC