MANILA, Philippines – Nalambat ng mga operatiba ng pinagsanib na pwersa ng Warrant & Subpoena Section (WSS) at ng Station Intelligence Section (SIS) ng Las Piñas City police ang Top 2 most wanted person (MWP) station level Lunes ng umaga, Nobyembre 18.
Sa report na isinumite ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard R. Yang ay kinilala ang nadakip na suspect na si alyas Rodney, 24.
Sinabi ni Tafalla na inaresto si alyas Rodney dakong alas 10:40 ng umaga sa Barangay CAA, Las Piñas City dahil sa kasong robbery na may Criminal Case No. 24-1032.
Ayon kay Tafalla, naisakatuparan ang pag-aresto sa suspect sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Oktubre 16, 2024 ni Las Piñas City Presiding Judge Victor Ramirez Aguba ng Branch 197 na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng ₱100,000.
Sa kasalukuyan ay nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police si alyas Rodney habang naghihintay ng commitment order na manggagaling ng korte para sa kanyang palipat ng piitan sa Las Piñas City jail. James I. Catapusan