Isang lalaki ang binawian ng buhay matapos makaranas ng cardiac arrest sa gitna ng payout activity ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isinagawa sa Marikina Sports Center nitong Abril 28.
Base sa ulat na isinagawa ang payout sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo.
Dagdag pa sa ulat, agad namang isinugod ang lalaki sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival.
Base pa sa inisyal na ulat ang nagsabing posibleng sanhi ng kanyang pagkamatay ay sobrang pagod at matinding init sa lugar.
May ilang saksi na nagsabing naging mabagal umano ang initial na pagtugon sa lalaki. Ayon sa ilang social media post, mas naging abala raw ang ilang tauhan sa paalala na huwag kumuha ng video, imbes na agad na umalalay sa nangangailangang indibidwal. Gayunman, isang nurse na nasa lugar ang agad umalalay bago pa man dumating ang medikal na tugon.
“Imbes na asikasuhin, pinagsabihan pa yung mga tao na huwag kumuha ng video,” ani ng isang netizen na nagbahagi rin ng mga larawan ng siksikang sitwasyon sa payout site.
Sa isang video na ibinahagi online, makikita ang ilang benepisyaryo na nakapila at nakabilad sa araw sa labas ng Marikina Sports Center habang naghihintay ng kanilang ayuda.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag mula sa DSWD o sa tanggapan ni Rep. Quimbo ukol sa insidente. RNT