Home METRO Kelot tigbak sa selos

Kelot tigbak sa selos

NAGA CITY- TIGBAK ang isang kelot matapos pagbabarilin ng dating kasintahan ng babaeng angkas nito sa motorsiklo nitong Linggo, Abril 14 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Jasper Martinez Alegria, 18-anyos habang tugis naman ang suspek na kinilalang si Albert Padayao, 35, at kapwa nakatira sa Barangay Pangdan, Naga City.

Ayon kay P/Staff Sgt. J.A. Caballero, imbestigador ng Naga City Cebu Police Station, bandang 3:00 AM nang maganap ang krimen sa Sitio Barracks, Barangay Inayagan, ng naturang lungsod.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen, nag-iinuman ang biktima at ang babaeng dating kasintahan ng suspek.

Pagkaubos na alak, inaya pa ng biktima ang babae na itinago sa pangalang Reyna, na mag-inuman sa Minglanilla City sakay ng motorsiklo.

Bago umalis ang dalawa, tinanong ng suspek si Reyna kung saan sila pupunta subalit mabilis ng pinaharurot ni Alegria ang motorsiklo.

Dito, hinabol ng suspek ang biktima at ng maabutan sa nabanggit na lugar ay binaril niya ito at tinamaan sa katawan naging sanhi ng agaran kamatayan ni Alegria habang mabilis naman tumakas ang suspek.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico