ILOCOS NORTE — Patay ang 30-taong gulang na lalaki, at sugatan ang 35-taong gulang na babae at kanyang 20-taong gulang na anak sa pananaksak sa Barangay Barit, Laoag City, nitong Huwebes ng tanghali.
Ayon sa imbestigasyon ng Laoag City Police, nakaupo ang biktima sa sala nang biglang pumasok ang 45-anyos na suspek at pinagsaksak ito. Pinuntahan din ng suspek ang kwarto ng mag-ina at pinagsaksak ang mga ito.
Agad na naaresto ang suspek ng mga rumespondeng barangay officials at pulis. Isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit nasawi ang lalaki. Narekober mula sa motorsiklo ng suspek ang dalawang plastic sachet na hinihinalang shabu at dalawang bala ng baril.
Ang suspek at ang 35-taong gulang na babae ay dating magkasintahan.
Ayon sa ulat, hininala ng suspek na ang lalaking sinaksak niya ay bagong karelasyon ng babae, matapos nilang maghiwalay ilang linggo lamang ang nakaraan. Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder, frustrated murder, at paglabag sa Dangerous Drugs Act. RNT