Home METRO Kelot timbog sa baril sa Muntinlupa

Kelot timbog sa baril sa Muntinlupa

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Muntinlupa City police ang isang 25-taong-gulang na lalaki matapos mahuling may bitbit na baril habang ipinatutupad ang election gun ban sa lungsod Martes ng umaga, Abril 1.

Sa report na isinumite ng Muntinlupa City police kay Southern Police District (SPD) director PBGen Manuel Aburgena ay kinilala ang inarestong suspect na si alyas Ronron, residente ng Barangay Alabang, Muntinlupa City.

Ayon kay Abrugena, nadakip ng mga tauhan ng Muntinlupa City police Sub-Station 2 ang suspect bandang alas 3:00 ng madaling araw sa Brgy. Bayanan, Muntinlupa City.

Nag-ugat ang pag-aresto sa suspect bunsod sa report ng ilang concerned citizens na mayroong isang lalaking nanunutok ng baril na naghahasik ng takot sa mga residente sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sub-Station 2 kung saan inabot ng mga ito ang suspect na hawak pa ang kanyang baril.

Sa pagsasagawa ng beripikasyon ng mga awtoridad ay walang naipakitang legal na dokumento ng kanyang bitbit na baril na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto at pagkumpiska ng kanyang kalibreng .38 Smith & Wesson revolver na kargado ng tatlong bala.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batasang Pambansa (BP) 881 (Omnibus Election Code) ang kinahaharap ng suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Muntinlupa City police. James I. Catapusan